Brownlee-Pringle bagong tandem ng Brgy. Ginebra
MANILA, Philippines — Sa unang laro pa lamang ni Stanley Pringle ay napakinabangan kaagad siya ng nagdedepensang Barangay Ginebra.
Kumolekta ang Fil-Am playmaker ng 16 points, 8 rebounds, 3 assists at 2 steals sa 100-85 panalo ng Gin Kings laban sa NLEX Road Warriors sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Batangas City Coliseum noong Linggo.
Ito pa lamang ang ikatlong laro ni Pringle sa komperensya matapos sumailalim sa isang operasyon para tanggalin ang bone spurs sa kanyang paa.
Nakuha ng Ginebra ang 32-anyos na point guard mula sa NorthPort kapalit nina Sol Mercado, Jervy Cruz at Kevin Ferrer.
Tumapos naman si import Justin Brownlee na may 37 markers, 8 boards, 7 assists at 5 steals para itaas ang baraha ng Gin Kings sa 4-3.
“Justin and Stanley started playing well together and that’s something we envision,” sabi ni head coach Tim Cone sa bagong tambalan nina Brownlee at Pringle.
Humataw sina Pringle, Brownlee at LA Tenorio sa third period para ibaon ang Road Warriors (1-7) sa 76-49 sa huling 3:34 minuto ng nasabing yugto patungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
- Latest