Painters sa overtime
Inilusot ni Nambatac laban sa Columbian Dyip
MANILA, Philippines — Ang lay-up ni guard Rey Nambatac ang tuluyan nang tumapos sa Columbian.
Isinalpak ni Nambatac ang kanyang winning basket sa huling 2.6 segundo para itakas ang Rain or Shine laban sa Columbian sa overtime, 88-86, sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Batangas Sports Coliseum.
Umiskor si Nambatac ng 10 points, habang nagtala naman si import Denzel Bowles ng triple-double para sa 3-3 record ng Elasto Painters.
Nahulog naman ang Dyip sa kanilang ikatlong sunod na kabiguan para sa 1-6 marka.
“We fight. We’re very upset about last game, but we fought and it was a great win,” ani Bowles, kumolekta ng 29 points, 14 rebounds at 10 assists, sa naunang 105-107 overtime loss ng Rain or Shine sa NorthPort. “We’re a good team, we’re just have some bad loss but I’m gonna give this team a win every game.”
Pumukol si Bowles ng masamang 7-of-21 shooting sa free throw line na ayon sa kanya ay dahil sa stomach cramps.
Nauwi sa extra period, 81-81, ang laro nang isalpak ni Columbian guard Rashwan McCarthy ang isang three-point shot sa pagtatapos ng fourth quarter.
Sa overtime ay ibinigay ni import Lester Prosper sa Dyip ang 86-84 abante sa 2:35 minuto nito kasunod ang dalawang free throws nina Bowles at Beau Belga na nagtabla sa Elasto Painters sa 86-86.
Matapos ang mintis na lay-up ni No. 1 overall pick CJ Perez sa panig ng Columbian ay isinalpak naman ni Nambatac ang kanyang winning basket para ilusot ang Rain or Shine.
Nauna nang inilista ng Dyip ang 27-22 bentahe sa first quarter kasunod ang inihulog na 20-4 bomba ng Elasto Painters para sa kanilang 11-point lead, 42-31.
- Latest