Russell isasama kina James at Davis sa Lakers
LOS ANGELES - Posibleng magbalik si star point guard D’Angelo Russell sa Lakers.
Hangad ng Los Angeles na muling mahugot si Russell para makatuwang nina superstars LeBron James at Anthony Davis sa kanilang kampanya.
Ang dating No. 2 overall pick ay nakatakdang sumalang sa free agency.
Dalawang taon matapos lumipat sa Brooklyn Nets, si Russell ay isinama sa gagawing pagpapalakas ng Lakers.
Nangyari ang trade sa Brooklyn sa ilalim ni dating general manager Magic Johnson, at sa pagkawala ng nasabing controversial boss sa Los Angeles organization ay bukas si Russell na bumalik sa Lakers.
Ang inaasahang pagkuha ng Nets kay Kyrie Irving ang magpapalakas sa tsansa sa pagbabalik ni Russell sa Hollywood.
Ang 23-anyos na si Russell ay hinahabol din ng Minnesota Timberwolves at Phoenix Suns.
Sa Washington, nakatakdang maging isang unrestricted free agent si Jabari Parker matapos tanggihan ng Wizards ang team option sa dating No. 2 overall pick.
Nakuha ng Washington si Parker sa isang trade sa Chicago Bulls noong Pebrero.
Ngunit hindi nangangahulugan na tuluyan nang maghihiwalay ng landas ang Wizards at si Parker.
Nakatakdang tumanggap si Parker, nagkaroon ng dalawang ACL injuries, ng $20 milyon sa ikalawang taon ng kanyang nilagdaang two-year deal.
Ayon naman kay Chase Hughes ng NBC Sports, payag ang magkabilang panig na pag-usapan ito.
Nagposte ang 2014 No. 2 draft overall pick na si Parker ng mga averages na 15 points at 7.2 rebounds sa kabuuang 25 laro niya para sa Washington.
Pinili kamakailan ng Wizards si Japanese forward Rui Hachimura sa 2019 NBA Draft.
- Latest