Ramirez ipinanawagan ang pagkakaisa sa mga POC officials
MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez ang Philippine Olympic Committee na magkaisa para maayos ang mga gulong hinaharap nito sa ngayon.
Ayaw ni Ramirez na magbigay kumento sa napabalitang iniluklok siya ni POC president Ricky Vargas bilang bagong Chief of Mission para sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin dito sa bansa kapalit ng sinibak na si Monsour Del Rosario.
“No comment ako diyan. Kasi busy ako sa aming grassroots development program with the DepEd and the different local government units (LGUs). They (POC) have to be united to be able to resolve whatever problem there may be. If they get united, tingnan natin,” sabi ni Ramirez.
Mahigit anim na buwan na lamang bago ang opening ng 30th SEA Games sa Nobyembre 30.
Ito ang pang-apat na hosting ng bansa sa SEA Games na gaganapin sa Clark-Angeles City, Subic, Tagaytay City at Metro Manila.
Si Ramirez ang Chief of Mission na ginawa sa Pilipinas ang SEA Games noong 2005 kung saan nakamit ng Team Philippines ang overall championship sa unang pagkakataon simula noong 1977.
Si Ramirez na rin ang PSC chairman sa panahong iyon.
Si Del Rosario, ang secretary-general ng Philippine Taekwondo Association ay isa sa mga tinanggalan ni Vargas ng posisyon sa mga key committees ng POC sa ginanap na General Assembly kahapon sa Pasig City.
Pati sina dating POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco ay tinanggalan ng posisyon bilang chairman ng constitution and by-laws committee kasama si POC first vice-president Joey Romasanta bilang Chief of Mission sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan.
- Latest