San Juan vs Batangas sa MPBL Dubai games
MANILA, Philippines — Maghaharap ang Rajah Cup tilist Batangas City Athletics at Datu Cup champion San Juan Knights sa unang overseas game ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa Dubai sa Setyembre 27.
Ito ang kinumpirma ni League commissioner Kenneth Duremdes kahapon.
Pangungunahan ni Duremdes ang MPBL officials na pupunta sa Dubai pagkatapos ng opening ceremonies ngayong Hunyo 12.
“Pinayagan na kami ni Senator to fly in on June 13 kasi nga yung organizer, siya rin yung organizer ng concert ni Arnel Pineda,” sabi ni Duremdes.
Pinili ng organizer sa Dubai ang Batangas Athletics at San Juan Knights para sa katiyakang magandang laban na tatawaging “Battle of the Champions” sa harap ng mga Pinoy fans sa United Arab Emirates.
Pagkatapos ng laro sa Dubai, susunod naman ang isa pang overseas game na gaganapin naman sa Oman kung saan maraming OFWs.
Samantala, inaprubahan na rin ng MPBL ang pagsali ng dalawang expansion teams na Bicol Volcanoes ni coach Monel Kallos at Mindoro Tamaraws na pag-aari ni Justin Tan bilang pang-27th at 28th koponan ng MPBL, ayon sa pagkakasunod.
Magiging bahagi na rin ng liga ang bagong may-ari ng Pasig Pirates na Sta. Lucia Realtors ni Exequiel Robles at Buddy Encarnado.
- Latest