E-Painters sa game 6,‘Di pa tapos ang laban
MANILA, Philippines — Hindi basta-basta ibibigay ng Rain or Shine ang championship ticket sa karibal na Magnolia.
Bumawi ang Elasto Painters sa tatlong sunod na kamalasan para resbakan ang Magnolia Hotshots sa Game Six, 91-81 at itabla ang kanilang semifinals series sa 2019 PBA Philippine Cup kagabi sa Ynares Centersa Antipolo City.
Nagbigkis sa 3-3 sa kanilang best-of-seven semis showdown, paglalabanan ng Rain or Shine at Magnolia ang silya sa PBA Finals sa Game 7 bukas sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang mananalo ang sasagupa sa nagdedepensang San Miguel, pinatalsik ang Phoenix, 4-1 sa kanilang semis wars, para sa best-of-seven title duel na magsisimula sa Mayo 1 sa Smart Araneta Coliseum.
“Ginawa naming motivation ‘yung do-or-die game na ito kasi nandito na ‘yung point na sobrang pinaghirapan namin ito,” sabi ni Rey Nambatac.
Walang nakapagtayo ng double-digit lead mula sa first period hanggang sa third quarter bago magsalpak si Nambatac ng apat na triples sa final canto para ibigay sa Painters ang 12-point advantage, 83-71 sa huling 3:56 minuto nito.
Tumipa ng magkahiwalay na tres sina Paul Lee at Ian Sangalang para ilapit ang Magnolia bago kumamada si two-time PBA MVP James Yap para muling ilayo ang Rain or Shine sa 90-79 sa natitirang 58.6 segundo.
- Latest