Lady Maroons winalis ang Lady Spikers
MANILA, Philippines — Mabilis na pinatumba ng University of the Philippines ang nagdedepensang De La Salle University, 25-16, 26-24, 25-19, para maipilit ang four-way tie sa ikalawang puwesto sa UAAP Season 81 women’s volleyball kahapon sa Ynares Sports Arena sa Antipolo City.
Kumuha ng lakas ang UP kay fourth-year opposite hitter Diana Mae Carlos na nagtala ng 13 points, habang naramdaman din si outside spiker Isa Molde na kumana ng mga krusyal na puntos sa third set kabilang ang game-winning off-the-block hit.
Magkakasosyo na ang UP, La Salle, University of Santo Tomas at Far Eastern University sa No. 2 spot tangan ang pare-parehong 5-3 baraha.
Winalis ng Lady Maroons ang Lady Spikers sa eliminasyon matapos kunin ang 21-25, 25-20, 25-21, 20-25, 15-12 panalo sa first round noong Marso 2.
Sa unang laro, nalusutan ng FEU ang matikas na hamon ng Adamson University, 30-32, 25-20, 23-25, 25-20, 15-13, upang makabalik sa porma.
Nagawang makatakas ng Lady Tamaraws sa kabila ng pagkawala nina veteran middle hitter Jeanette Villareal at rookie opposite spiker Lycha Ebon na nagtamo ng injury.
Nakalikom ng 19 points si Ebon bago ang masamang pagbagsak sa kanang tuhod sa fifth set, habang nagtala naman si Heather Guino-o ng 14 hits at gumawa si playmaker Kyle Negrito ng 23 excellent sets at siyam na puntos para sa FEU.
Sa men’s division, bumawi ang La Salle laban sa University of Santo Tomas, 27-25, 25-22, 22-25, 25-23.
- Latest