Magkaka-Alaman na!
MANILA, Philippines — Magkaka-alaman na ngayong araw kung sinu-sinong bansa ang magsasalpukan sa group stage ng 2019 FIBA World Cup.
Idaraos ngayong alas-6:45 ng gabi ang draw sa Shenzhen Cultural Center sa Shenzhen, China kung saan umaasa ang Team Pilipinas na papabor sa kanila ang drawing of lots.
May 32 bansa ang kalahok sa edisyong ito ng world meet.
Kasama ng Pilipinas na nagkwalipika sa Asia-Oceania ang Australia, Iran, Japan, Jordan, Korea at New Zealand habang awtomatikong kasama ang China bilang host country.
Pasok naman sa Africa ang Angola, Cote d’Ivoire, Nigeria, Senegal at Tunisia habang ang Argentina, Brazil, Canada, Dominican Republic, Puerto Rico, USA at Venezuela ang bubuo sa Americas.
Kwalipikado sa Europe ang Czech Republic, France, Germany, Greece, Italy, Lithuania, Montenegro, Poland, Russia, Serbia, Spain at Turkey.
Hahatiin sa walong grupo ang 32 teams. Apat na bansa ang bubuo sa bawat grupo para sa eliminasyon ng World Cup na idaraos sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Pamumunuan ni dating Los Angeles Lakers star Kobe Bryant ang draw kasama sina World Cup Ambassador Yao Ming at American singer Jason Derulo.
Darating din sina FIBA president Horacio Muratore at FIBA secretary general Andreas Zagklis para saksihan ang draw.
Walong siyudad din ang inihanda ng China para pagdausan ng torneo.
Maglalaro ang Group A sa Beijing habang sa Wuhan ang Group B, Guangzhou ang Group C, Foshan ang Group D, Shanghai ang Group E, Nanjing ang Group F, Shenzhen ang Group G at Dongguan ang Group H.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang sa bawat grupo ang uusad sa second round ng elimination.
Nakaabang si Team Pilipinas head coach Yeng Guiao sa magiging resulta ng draw dahil dito nakasalalay ang kanyang bubuuing training program para sa kanyang mga manlalaro.
- Latest