Tropang Texters pasok na sa quarterfinals
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NorthPort vs San Miguel Beer
6:45 p.m. Phoenix vs Ginebra
MANILA, Philippines — Dumiretso ang TNT Katropa sa kanilang ikatlong sunod na ratsada para umabante sa eight-team quarterfinal round.
Nang magtala ng 11-point lead sa halftime ay hindi na bumitaw sa kalamangan ang Tropang Texters para paluhurin ang Blackwater Elite, 127-89 sa 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Itinaas ng TNT Katropa ang kanilang baraha sa 5-3 para makasosyo ang nagdedepensang San Miguel sa ikatlong puwesto sa ilalim ng Phoenix (8-1) at Rain or Shine (7-3).
Nabigo naman ang Blackwater na mailista ang ikalawang dikit na panalo sa pagkakahulog ng marka nila sa 2-7.
Binitbit ng Tropang Texters ang 56-45 abante mula sa halftime at iniwanan ang Elite sa 83-68 sa dulo ng third period.
Ang dalawang three-point shots, isang jump shot at fastbreak dunk ni RR Pogoy ang nagbigay sa TNT Katropa ng 32-point advantage, 104-72 sa 8:45 minuto ng fourth quarter na hindi na napababa ng Blackwater.
Tumapos si Pogoy na may 28 points, 6 rebounds at 4 assists para sa Tropang Texters.
“Nilagnat ako pagdating ko from the national team, pero mga two days lang nakabalik na kaagad ako,” sabi ni Pogoy.
- Latest