Magic ‘di umubra sa tikas ng Cavs
CLEVELAND -- Umiskor si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 18 points habang kumolekta si Kevin Love ng 16 points at 14 rebounds para tulungan ang Cavaliers na makawala sa fourth quarter patungo sa 107-93 pagpapatumba sa bisitang Orlando Magic.
Kinuha ng Cleveland ang kontrol matapos magtabla ang laro sa 81-81 sa final period kung saan sila nagsalpak ng pitong 3-pointers mula sa tig-dalawa nina Clarkson at Cedi Osman.
Binanderahan naman ni Nikola Vucevic ang Orlando, nagmula sa mga panalo laban sa Golden State Warriors at Indiana Pacers, mula sa kanyang 28 points at 13 rebounds.
Nag-ambag si D.J. Augustin ng 19 points para sa Magic, nasa itaas ng Charlotte Hornets at Miami Heat para sa first place sa Southeast Division at sa final playoff spot sa Eastern Conference.
Sa Boston, humataw si James Harden ng 42 points bago na-foul out sa dulo ng fourth quarter at tinalo ng Houston Rockets ang Celtics, 115-104 para sa kanilang pang-limang sunod na panalo.
Kumonekta si Harden ng anim na 3-pointers at nagtala ng 40 o higit pang puntos sa ika-24 pagkakataon ngayong season.
Tumipa si Eric Gordon ng 32 points kasama ang walong triples para sa Houston.
Pinamunuan naman ni Kyrie Irving ang Boston mula sa kanyang 24 points, 9 rebounds at 6 assists.
Sa Detroit, iniskor ni Blake Griffin ang 14 sa kanyang 27 points sa first quarter para banderahan ang Pistons sa 112-107 overtime win kontra sa Toronto Raptors.
- Latest