Pagka-birhen itataya ng La Salle
MANILA, Philippines — Papanain ng De La Salle University ang ikaapat na sunod na panalo laban sa mapanganib na University of the Philippines sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nais ng Lady Spikers na mapatatag ang kapit sa No. 1 spot laban sa Lady Maroons sa kanilang bakbakan sa alas-4 ng hapon.
Maghaharap naman ang University of Santo Tomas at Far Eastern University sa alas-2.
Alam ni La Salle head coach Ramil De Jesus na hindi magiging madali ang makaharap ang UP na nagnanais makabalikwas mula sa masaklap na 25-21, 22-25, 16-25, 20-25 pagyuko sa UST noong Linggo.
“Malalim ang lineup ng UP dahil kahit yung second-stringers nila malakas. Tinalo sila ng UST kaya magpe-prepare kami kung paano rin namin sila tatalunin,” ani De Jesus.
Walang iba kundi sina team captain Desiree Cheng, May Luna, Aduke Ogunsanya at rookie Jolina Dela Cruz ang aasahan ng Lady Spikers.
Pare-parehong may magandang inilaro sina Luna, Ogunsanya at Dela Cruz sa kanilang 25-10, 20-25, 27-25, 25-22 pananaig sa National University sa kanilang huling laro.
Magbabalik-aksiyon naman si UP top setter Ayel Estrañero matapos ma-food poison.
- Latest