76ers ‘di pa rin umubra sa Celtics
PHILADELPHIA — Ipinagpatuloy ng Boston Celtics ang kanilang pagdomina sa 76ers.
Umiskor si Gordon Hayward ng 26 points kasama ang go-ahead three-pointer sa huling 1:50 minuto ng laro para tulungan ang Boston na talunin ang Philadelphia, 112-109.
Nagdagdag si Al Horford ng 23 markers habang kumolekta si Jayson Tatum ng 20 points at 10 rebounds para sa ikatlong sunod na paggapi ng Celtics sa Sixers.
Sinibak ng Boston ang Philadelphia, 4-1 sa kanilang Eastern Conference semifinals series noong nakaraang season.
Naglaro ang Celtics na wala si All-Star point guard Kyrie Irving, may sprained right knee.
“Against a very quality opponent was big, especially on the road without Kyrie, it was huge,” sabi ni Hayward.
Binanderahan naman ni center Joel Embiid ang 76ers mula sa kanyang 23 points at 14 rebounds at nagdagdag si Jimmy Butler ng 22 markers.
Sa Memphis, naglista si LaMarcus Aldridge ng 22 points kasama ang huling pitong puntos ng San Antonio Spurs para kunin ang 108-107 panalo laban sa Grizzlies.
Tinapos ng Spurs ang kanilang apat na sunod na kamalasan.
Pinangunahan ni Avery Bradley ang Memphis mula sa kanyang career-high 33 points.
Sa New Orleans, humakot si big man Nikola Vucevic ng 25 points at 17 rebounds habang tumipa si Evan Fournier ng 22 markers kasunod ang career-high 20 points ni Jonathan Isaac para pamunuan ang Orlando Magic sa 118-88 paglampaso sa Pelicans.
Nag-ambag din si Aaron Gordon ng 20 points para sa Orlando, nagtala ng 31-point lead laban sa New Orleans.
- Latest