PSC titiyakin ang tagumpay ng 30th SEAG hosting
MANILA, Philippines — Makikipag-ugnayan ang Philippine Sports Commission (PSC) sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang masiguro ang matagumpay na pagtataguyod ng bansa ng 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Nakatakdang makipagpulong si PSC chairman William Ramirez sa mga government agencies para talakayin ang mga maitutulong nito sa SEA Games hosting.
Ilan sa mga tututukan ng PSC ang usaping pang-seguridad para matiyak na ligtas ang lahat ng mga delegado mula sa 11 bansang kasapi ng SEA Games.
Tatalakayin din ang waste management, traffic management, health security measures at budget.
“Being the government’s sports agency, we are expected to take lead in coordinating with other government agencies being referred to in the circular,” ani Ramirez patungkol sa inilabas na Memorandum Circular No. 56 ng Office of the President.
Nauna nang inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng departments, bureaus, agencies at instrumentalities ng gobyerno na makipagtulungan sa PSC at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Babantayan din ni Ramirez ang bawat sentimong ilalabas ng gobyerno kasabay ng paniniyak na walang pondo ang napupunta sa korapsyon o anumang iregularidad.
“The PSC will diligently oversee and supervise spending for this hosting to keep consistent to all existing laws and regulations,” aniya.
- Latest