Aksyon sa Batang Pinoy lalarga na
TAGUM CITY, Davao del Norte , Philippines — Hindi maubus-ubos ang pasasalamat ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez kay Davao del Norte Governor Anthony del Rosario.
Ito ay dahil sa walang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Del Rosario ang pamamahala sa 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg dito sa Davao del Norte Sports Complex.
Ang Mati, Davao Oriental ang siya sanang mangangasiwa sa Mindanao Leg ng nasabing grassroots sports development program para sa mga in at out-of-school youth na may edad 15-anyos pababa.
Ngunit hindi pumasa sa standards ang track and field at swimming pool ng Mati, kaya naman dalawang buwan bago ang event ay idinulog ni Ramirez ang problema kay Del Rosario.
“I am extremely touched by the generosity of the Governor that even in a short time, he accepted our request to host the games,” wika ni Ramirez kay Del Rosario kahapon.
Handa naman ang Davao del Norte na maging punung-abala sa anumang proyekto ng sports commission.
“As I’ve mentioned before in the past and it’s still holds true, kung kailangan ninyo ng venue sir nandito lang kami at naghihintay,” ani Del Rosario kay Ramirez. “That invitation is open and perpetual. Walang katapusan iyan.”
Samantala, pormal namang sisimulan ngayon ang ilang events kasama ang dancesports, archery, arnis, taekwondo at rapid chess na aagad maglalatag ng gold medals.
Ang iba pang uumpisahan ay ang badminton, basketball, boxing, pencak silat, sepak takraw, softball, table tennis, volleyball at beach volleyball.
- Latest