Bolts pinigil ang Tropang Texters
MANILA, Philippines — Kaagad tinapos ng Meralco ang dalawang sunod na ratsada ng TNT Katropa para sumosyo sa ikaapat na puwesto.
Bumangon ang Bolts mula sa 21-point deficit sa second period para patumbahin ang Tropang Texters, 88-77 sa 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Humataw ang Meralco ng 33 points sa kabuuan ng third quarter kung saan umiskor si guard Baser Amer ng 10 sa kanyang 17 markers, para ilista ang kanilang ikalawang panalo sa apat na laro.
Nalasap naman ng TNT Katropa, sinimulan ang torneo sa 0-2 ang pangatlong kabiguan sa limang asignatura.
“We just wanted to stay focus because we’re coming a little bit slow in our last three games,” sabi ni 2017 PBA Rookie of the Year Chris Newsome, naglista ng 20 points, 9 rebounds at 5 assists para sa Meralco, nagmula sa 95-103 kabiguan sa four-time champions San Miguel.
Binuksan ng Tropang Texters ang laro sa 13-0 patungo sa pagtatayo ng 21-point lead, 30-9 mula sa salaksak ni Jayson Castro, tumapos na may 20 points, sa pagsisimula ng second period.
Matapos makalapit sa halftime, 30-39 ay nagtuwang sina Amer, Ranidel De Ocampo at Cliff Hodge para sa 52-50 pag-agaw ng Bolts sa unahan sa 3:05 minuto nito.
Pinalobo pa ito ng Meralco sa 79-60 galing sa three-point shot ni Newsome sa huling 4:47 minuto ng final canto na hindi na napababa ng TNT Katropa.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang Rain or Shine at Blackwater habang sinusulat ito.
- Latest