Victolero Coach of the Year
MANILA, Philippines — Hihirangin ng PBA Press Corps ang bagong Coach of the Year winner sa 25th anniversary presentation ng kanilang Annual Awards Night bukas sa Novotel Manila Araneta Center.
Si Chito Victolero ng Magnolia Pambansang Manok ang tatanggap ng nasabing Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy mula sa grupo ng mga sportswriters na regular na nagkokober ng PBA beat matapos akayin ang Hotshots sa korona ng season-ending Governors Cup.
Tinalo ng 43-anyos na si Victolero ng Sta. Maria, Bulacan sina Barangay Ginebra counterpart Tim Cone at San Miguel mentor Leo Austria, nagwagi sa nasabing award sa nakaraang tatlong seasons, sa mahigpit na three-way fight para sa individual honor na magiging tampok sa special two-hour event na inihahandog ng Cignal TV.
Ang tatlong coaches ang nagwagi ng titulo sa nakaraang season, ngunit ang Magnolia ni Victolero ang pinakamahina sa naturang tatlong ballclubs sa ilalim ng San Miguel Corporation.
Nasa kanyang ikalawang taon para sa Hotshots, ito ang unang korona ni Victolero sa kanyang PBA coaching career at tumapos sa apat na taon na pagkauhaw ng koponan sa titulo makaraan ang Grand Slam season noong 2014.
- Latest