Balbas ni Broner ipaahit - Team Pacquiao
Bago Ang Laban
LAS VEGAS — Gusto ng Team Pacquiao na ahitin ni Adrien Broner ang makapal niyang balbas.
Ito ang inihayag nina trainers Buboy Fernandez at Freddie Roach sa Nevada State Athletic Commission.
At sinasabing susundin naman ito ni Broner.
“It will go,” sagot ni Mike Cunningham, ang trainer ng 29-anyos na American challenger na hahamunin ang 40-anyos na si Manny Pacquiao para sa suot nitong WBA welterweight crown bukas dito sa MGM Grand.
Pinalago ni Broner ang kanyang balbas na halos tumakip sa kalahati ng kanyang mukha.
Sa ilalim ng patakaran, ang NSAC ang magdedetermina kung ang ulo, bigote at balbas, mga kuko sa kamay at paa ay “present any hazard to the safety” kung saan maaaring magreklamo ang kanyang kalaban.
“It could be a strategy,” sabi ni Fernandez sa balbas ni Broner na maaaring makatusok sa mga mata ni Pacquiao sa oras na nagkakiskisan sila. “Kapag natusok ang mata mo, paano na?”
Kinatigan naman ni Dr. Ed Dela Vega, ang Filipino orthodentist at cutman ni Pacquiao, ang opinyon ni Fernandez.
“For his own safety, Broner must shave,” wika ni Dela Vega. “I look at it positively. If Broner suffers a cut in that area, it will be very difficult for his cutman to access the cut because of the beard.”
“Hindi mo makikita ang cut (You can not see the cut,” dagdag pa nito.
Dalawang beses nang naging isyu ang balbas ni Broner kung saan ay napilitan siyang ahitin ito bago umakyat ng boxing ring.
Sinabi ni MP Promotions head Joe Ramos na makukuntento sila kapag binawasan ni Broner ang kanyang balbas.
“We feel that it’s a little bit long. But whether or not he has a beard, Manny will beat him,” ani Ramos.
- Latest