Batangas, Bulacan nalo
MANILA, Philippines — Nag-ambag ng 37 puntos sina Dennice Villamor at Jeff Viernes para iangat ang Batangas City Athletics sa 96-93 panalo kontra sa Imus Bandera habang nagwagi naman ang Bulacan Kuyas laban sa Pasig Pirates, 102-96 sa pagpapatuloy ng 2018-2019 Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup noong Martes ng gabi sa Batangas State University Gym.
Tumipa si Villamor ng 18 puntos, tatlong rebounds at dalawang steals habang si Viernes ay umani ng 19 puntos, tatlong rebounds, tatlong assists at apat na steals para masungkit ng Athletics ang pang-12th panalo sa 20 laro at manatili sa solo ikatlong puwesto sa Southern Division sa likuran ng nangungunang Davao Occidental Tigers (15-4) at Muntinlupa Cagers (12-5).
Dahil sa talo, nalaglag ang Imus sa three-way tie sa fourth spot kasama ang Gen. Santos Warriors at Bacoor Strikers sa parehong 9-9 win-loss kartada sa South group.
Bukod kay Villamor at Viernes, tumulong din ng 14 puntos si Jhaymo Eguilos na may kasamang 10 rebounds, dalawang assists, isang steal at isang block habang tig-sampung puntos naman sina Adrian Santos at Lester Alvarez para sa tropa ng Athletics ni coach Mac Tan.
Sa iba pang laro, tumapos naman si James Martinez ng 21 puntos, tatlong rebounds at dalawang assists habang si Jason Melano ay gumawa ng 20 puntos at walong rebounds para umangat ang Bulacan Kuyas sa solo fifth spot sa 12-8 record sa Northern group at ibaon ang Pasig Pirates sa ilalim ng standing sa Northern group sa 3-16 card.
- Latest