Azkals sasalang sa krusyal na laro
MANILA, Philippines — Puntirya ng Azkals ang importanteng panalo laban sa Kyrgyzstan ngayong gabi sa 2018 Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup sa Rashid Stadium sa Dubai, United Arab Emirates.
Magtatagpo ang Pilipinas at Kyrgyzstan sa alas-5:30 ng hapon (alas-9:30 ng gabi sa Manila).
Ibubuhos na ng Azkals ang buong puwersa nito upang manatiling buhay ang kanilang tsansang makapasok sa knockout stage.
Lumasap ang Pilipinas ng 0-1 kabiguan sa mga kamay ng two-time champions na South Korea sa kanilang unang laro noong Enero 7 sa Al-Maktoum Stadium kasunod ang 0-3 pagyuko sa China noong Biyernes sa Mohammed Bin Zayed Stadium.
Awtomatikong umusad sa knockout stage ang South Korea at China, habang nasa No. 3 ang Kyrgyzstan at No.4 ang Pilipinas sa Group C.
“We paid a heavy price (against China) but we are not home yet. We still have hope but small hope, probably,” ani Azkals head coach Sven-Goran Eriksson.
May tsansa pa ang Azkals dahil ang apat na third-placers sa torneo na may pinakamagandang rekord ay mabibiyayaan ng pwesto sa knockout stage.
“We have to win the next game. We don’t have to go gung-ho at the beginning, but we know at some point we have to go for it,” dagdag naman ni Azkals ace Phil Younghusband.
May hawak na 2-0 rekord ang Pilipinas laban sa Kyrgyzstan.
Dalawang beses tinalo ng Azkals ang White Falcons noong 2016.
Una ang 2-1 desisyon kasunod ang 1-0 pananaig sa dalawang friendly games.
Ngunit alam ni Younghusband na ibang usapan na ang Asian Cup.
“We played them twice in the last few years. Played them away, played them home and we got two wins. But this is a different stage, they may have different players, we have different players, it’s a different arena,” ani Younghusband.
Maganda rin ang inilalaro ng Kyrgyzstan na nakapuntos kontra sa China ngunit natalo, 1-2.
- Latest