Biado kinapos kay Filler
MANILA, Philippines — Bigong maipagtanggol ni Carlo Biado ang korona matapos magkasya sa runner-up trophy sa 2018 World 9-Ball Championship na ginanap sa Al-Attiya Sports Arena sa Al-Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Umani si Biado ng 10-13 desisyon kay Joshua Filler ng Germany sa finals.
Umariba agad si Filler na nagrehistro ng 3-0 kalamangan sa umpisa ng laban.
Ngunit nakabalik sa porma si Biado para maitabla ang iskor sa 4-4.
Muling umariba ang German bet nang kunin nito ang 10-7 bentahe bago nakadikit si Biado sa 10-11.
Mula rito, mas naging maingat na si Filler sa kanyang mga pagtumbok upang sunud-sunod na kunin ang dalawang sumunod na racks para makuha ang panalo.
“I played well but the table was a bit bouncy and I was getting frustrated. I was thinking too much about the table and it kind of affected me. But overall I’m ok with how I played. I only made two or three mistakes and my play was very good. He played really well and he deserves it,” wika ni Biado.
Napasakamay ni Filler ang tumataginting na $40,000 premyo habang hindi naman uuwing luhaan si Biado na naibulsa ang $20,000 konsolasyon. (CCo)
- Latest