Petron, F2 patayan para sa PSL crown
MANILA, Philippines — Asahan ang mas matinding bakbakan sa pagitan ng F2 Logistics at Petron sa pagsambulat ng do-or-die game ng Philippine Superliga All-Filipino Conference best-of-three championship series ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang muling pagtutuos ng Cargo Movers at Blaze Spikers sa alas-7.
Nagawang pigilan ng Cargo Movers ang tangkang sweep ng Blaze Spikers matapos kubrahin ang 21-25, 25-19, 25-20, 25-17 panalo sa Game 2 noong Martes para maitabla ang serye at maipuwersa ang rubber match.
Nakuha ng Petron ang Game 1 sa iskor na 25-23, 25-11, 25-17 noong Sabado.
Ito ang unang pagkakataon na lumasap ng kabiguan ang Blaze Spikers sa kumperensiyang ito.
Tiwala si F2 Logistics head coach Ramil De Jesus na kaya ng kanyang bataan na maipagpatuloy ang magandang inilalaro nito.
“For as long as the opportunity to win comes, we’ll take it. I believe in my players. I know they will deliver. After all, we’re not just here to play – we’re here to win the title,” ani De Jesus.
Umariba ng husto si outside hitter Ara Galang sa Game 2 nang magpasabog ito ng 20 puntos tampok ang 17 attacks.
Nakasuporta sina Majoy Baron at Cha Behag na may pinagsamang 27 markers para buhatin ang F2 Logistics sa panalo.
Solido ang net defense ng Cargo Movers nang itala nito ang 12-4 bentahe gayundin sa service area tangan ang 9-2 edge.
“I don’t want to think that momentum is on our side. I don’t want my team to be complacent,” pahayag pa ni De Jesus.
Ngunit hindi basta basta susuko ang Petron.
Desidido ang bataan ni coach Shaq Delos Santos na makaresbak upang mapanatili sa kanilang kamay ang korona.
“We’ve been in this situation before. We’ve already learned our lesson. We won’t let this golden chance to slip away. We’re still optimistic that we can defend the title,” aniya.
Kaya naman kakayod ng husto sina Rhea Dimaculangan, Mika Reyes, Remy Palma, Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Ces Molina at Aiza Maizo-Pontillas para maibalik ang momento sa kanilang panig.
Lalarga rin ang engkuwentro ng University of the East at Far Eastern University sa alas-2 (battle-for-third) at ng University of Santo Tomas at University of the Philippines sa alas-4 (Collegiate Grand Slam finals).
- Latest