3 Pinoy swak sa knockout stage
MANILA, Philippines — Nakahirit din ng tiket sa knockout stage ang tatlong Pinoy sa pagpapatuloy ng 2018 World 9-Ball Championship na ginaganap sa Al-Attiya Sports Arena sa Al-Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Ito ay sina Roland Garcia, Johann Gonzales Chua at Jeffrey Ignacio na nagtala ng krusyal na panalo sa kani-kaniyang grupo sa losers’ bracket sa torneong inorganisa ng World Pool-Billiard Association.
Iginupo ni Garcia si Billy Thorpe ng Amerika sa iskor na 9-5 sa Group 3, habang namayani si Chua kay Jeong Young Hwa ng South Korea (9-3) sa Group 4.
Umiskor din si Ignacio ng 9-6 panalo kay Satoshi Kawabata ng Japan sa Group 6 para saluhan sina Garcia at Chua sa susunod na yugto.
Makakasama nina Garcia, Chua at Ignacio sa knockout stage sina reigning champion Carlo Biado at Jeffrey De Luna na nauna nang nakapasok matapos magtala ng 2-0 marka sa kani-kanilang grupo.
Magsisimula ang main draw Lunes ng gabi (oras sa Maynila).
Sa first round, makakalaban ni Garcia si Waleed Majid ng Qatar, habang haharapin ni Chua si Phone Myint Kyaw ng Myanmar, at titipanin ni Ignacio si Petri Makkonen ng Finland.
- Latest