Blaze Spikers hangad ang sweep para sa titulo
MANILA, Philippines — Puntirya ng Petron na tapusin ang serye sa pagsagupa sa F2 Logistics sa Game Two ng Philippine Superliga All-Filipino Conference best-of-three finals series ngayong gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hinablot ng Petron ang 1-0 kalamangan sa serye nang matikas na pataubin ang F2 Logistics sa series opener noong Sabado.
Magtutuos ang Blaze Spikers at Cargo Movers sa alas-7 ng gabi.
Maghaharap naman ang Colegio San Agustin-Biñan at La Salle-Dasmariñas sa alas-4:15 ng hapon sa Collegiate Grand Slam.
Hawak ng Petron ang 13-0 baraha.
Target ng tropa na makumpleto ang matamis na sweep sa kumperensya para maduplika ang kanilang ginawang pagwalis sa All-Filipino Conference noong 2015.
Inaasahang ibubuhos ng Blaze Spikers ang lahat ng puwersa para masikwat ang korona.
Matikas na sasandalan ng Petron sina outside hitters Sisi Rondina at Bernadeth Pons na tunay na nagpasiklab sa Game One, habang aariba rin sina middle hitters Mika Reyes at Remy Palma gayundin si opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas.
“While it’s inspiring to break our own record, I always tell my players that we should not forget our main goal which is to win back-to-back (All-Filipino) title. Knowing coach Ramil and his team, they will bounce back for sure. But on our part, we will double, triple or even quadruple our effort in Game 1 to win the title,” sabi ni Petron mentor Shaq Delos Santos.
Sa kabilang banda, inaasahang ‘beast mode’ ang buong Cargo Movers na nagnanais makaresbak at maipuwersa ang ‘rubber match’ sa serye.
- Latest