F2 Logistics at Foton hangad makapasok sa semis ng PSL
MANILA, Philippines — Hangad ng No. 2 seed F2 Logistics na umabante sa semis sa kanilang pagharap sa No. 7 Cocolife, habang magtatagpo ang No. 4 Foton at No. 5 Cignal HD sa knockout quarterfinals ng 2018 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Haharapin ng Cargo Movers ang Asset Managers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang laro ng Tornadoes at Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon.
Sa Collegiate Grand Slam division, maghaharap ang Far Eastern University at University of the East at sa alas-12 ng tanghali at magtutuos ang University of the Philippines at De La Salle-Dasmariñas sa alas-2 ng hapon.
Ang mananalo sa Foton at Cignal ang haharap sa No. 1 Petron Blaze Spikers sa semis at ang magwawagi sa Cargo Movers at Asset Managers ang lalaban sa Generika-Ayala sa isa pang semis match.
Tangan ng Blaze Spikers ang ‘twice-to-beat’ advantage at kung makakapasok rin ang Cargo Movers sa semifinals makukuha rin nila ang insentibo bilang No. 2 seed.
Nasungkit ng Petron ang unang semis berth matapos sibakin ang Sta. Lucia, 25-12, 25-14, 25-16, at tinalo naman ng No. 3 Generika-Ayala ang Smart, 25-16, 26-24, 25-22, sa quarterfinals matches.
Paborito ang Foton na magwagi laban sa Cignal dahil sa kanilang 25-15, 18-25, 25-22, 25-20 panalo sa elims.
- Latest