PVL semis cast kumpleto na
MANILA, Philippines — Selyado na ang Final Four matapos masiguro ng Petro Gazz ang huling tiket sa semis.
Ito ay sa bisa ng 25-21, 25-9, 25-15 panalo ng Gazz Angels laban sa Adamson University sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Sa katunayan, hindi maganda ang simula ng Gazz Angels matapos itong tambakan ng Lady Falcons sa unang bahagi ng first set.
Ngunit sumaklolo si opposite hitter Alyssa Layug na bumira ng mga importanteng puntos para maagaw ng Petro Gazz ang momento at makuha ang panalo.
Nakakuha naman ito ng suporta mula kina Paneng Mercado, Jessey De Leon, Cherry Nunag at setter Djanel Cheng.
Sapat na ang nalikom na 7-5 baraha ng Gazz Angels para samahan sa semis ang BanKo Perlas Spikers (10-3), Ateneo (10-4) at Creamline Cool Smashers (9-3).
Kaya’t hindi na makaaapekto sa Gazz Angels anuman ang maging resulta ng laro nito kontra sa Cool Smashers bukas sa Batangas City Coliseum. Habol na lamang ng Creamline ang magandang puwestuhan sa semifinals.
Ang panalo rin ng Gazz Angels sa Lady Falcons ang nagsara ng pintuan sa Pocari-Air Force at Tacloban Fighting Warays na parehong nasibak. (CCo)
- Latest