6 ginto sa Pinoy wrestlers sa SEA Championships
MANILA, Philippines — Nag-uwi ng anim na gintong medalya ang Team Go For Gold Philippines sa 2018 Southeast Asian Senior Wrestling Championships na ginanap sa Dalubhasaan Lungsod ng San Pablo City, Laguna.
Dinomina ng mga beteranong sina Margarito Angana at Michael Vijay Cater ang kanilang magkahiwalay na weight division sa Greco Roman event para pangunahan ang matagumpay na kampanya ng Team Philippines sa isang linggong kumpetisyon na sinalihan ng 11 bansa sa ASEAN region.
Nagwagi ang two-time SEA Games gold medalist na si Angana laban kay Plyabut Wiratul ng Thailand sa men’s 60kg habang si Cater ay nanalo kontra kay Nattawut Keawkhanchum ng Thailand sa 55-kgs. class at si Noel Norada ay namayani kay Pham Van Co ng Vietnam.
Hindi rin nagpahuli si Luke Cruz matapos ilampaso si Dimas Septo Anueraha ng Indonesia sa finals para makasama nina women’s freestyle gold medalists Minalyn Foy-os (57kg) at Noemi Tener (68kg) sa podium.
“We’re very proud of our wrestlers. We believe that with more support, they can win more gold medals for the country,” ani Go For Gold Philippines godfather Jeremy Go.
Tumapos lamang sa silver medal sina Jason Balabal pagkaraang matalo sa kanyang Indonesian na kalaban sa men’s 87kg Greco Roman at si Jefferson Manatad ay nabigo rin sa finals laban kay Supriono ng Indonesia sa 77kg.
Sa kabuuan ang host Philippines ay umani ng anim na ginto, walong silvers at 12 bronze medals habang ang Vietnam ay nanalo ng 12 golds, 11 silver at siyam na bronze para angkinin ang overall title.
- Latest