George inakay ang Thunder vs Rockets
OKLAHOMA CITY -- Kasabay ng pagtatala ng kanilang pang-pitong sunod na panalo ay tinapos ng Thunder ang sinasakyang three-game winning streak ng Houston Rockets.
Kumolekta si Paul George ng 20 points, 11 rebounds, 6 assists at 6 steals para pangunahan ang Oklahoma City sa 98-80 panalo laban sa Houston sa kabila ng hindi paglalaro ni point guard Russell Westbrook.
Hindi nakuha ng Thunder ang serbisyo ni Westbrook sa ikalawang sunod na pagkakataon dahil sa kanyang sprained left ankle.
Humakot si Steven Adams ng 19 points at 10 rebounds habang nagdagdag sina Terrance Ferguson at Dennis Schroder ng tig-14 points para sa Oklahoma City.
Pinamunuan naman ni James Harden ang Rockets mula sa kanyang 19 points, samantalang may 17 markers si Clint Capela.
Sa Phoenix, humugot si Kyrie Irving ng 18 sa kanyang season-high na 39 points sa fourth quarter at overtime at nakabawi ang Boston Celtics mula sa 22-point deficit para resbakan ang Suns, 116-109.
Iniskor ni Irving ang unang anim na puntos ng Boston sa extra period para balikan ang Phoenix.
Nag-ambag si Marcus Morris ng 17 markers na tinampukan ng panablang three-pointer sa huling 1.1 segundo sa regulation galing sa pasa ni Irving para sa 100-100 iskor patungo sa overtime.
Binanderahan ni Devin Booker ang Suns mula sa kanyang season-high 38 points habang nagdagdag ng 29 markers si TJ Warren.
Sa Portland, tumipa si Damian Lillard ng 25 points at dumiretso ang Trail Blazers sa kanilang ikatlong sunod na panalo matapos kunin ang 116-105 panalo sa Los Angeles Clippers.
Nagdagdag si CJ McCollum ng 23 points para sa Portland, naipanalo ang anim sa huli nilang pitong laro.
- Latest