Kay Fajardo pa rin
MANILA, Philippines — Naungusan man siya ni NorthPort point guard Stanley Pringle sa statistical points ay inaasahang makakamit pa rin ni June Mar Fajardo ng San Miguel ang record na pang-limang PBA Most Valuable Player trophy.
Napanood lamang ang 6-foot-10 na si Fajardo sa dalawang laro ng Beermen sa 2018 PBA Governor's Cup bunga ng kanyang stress fracture.
Dahil dito ay naagaw ni Pringle ang No. 1 spot sa MVP derby sa kanyang inilistang cumulative average na 35.5 sa statistical race para sa pinamakataas na individual award ng season.
Sumegunda ang 28-anyos na Cebuano giant sa kanyang 33.2 SPs.
Ang maaaring makapagbigay kay Fajardo ng pang-limang PBA MVP award ay ang kanyang Best Player of the Conference awards sa nakaraang 2018 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Kahanay ni Fajardo sina PBA greats Mon Fernandez at Alvin Patrimonio sa pagkakaroon ng apat na PBA MVP trophy.
- Latest