Respetadong pagtatapos asam ng apat na koponan
Laro Ngayon(The Arena, San Juan City)
2 p.m. CSB vs JRU (srs)
4 p.m.- AU vs MU (srs)
MANILA, Philippines — Magandang pagtatapos sa kampanya ang pare-parehong tatangkain ng apat na koponang magbabakbakan ngayong hapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang College of Saint Benilde at Jose Rizal University sa alas-2 na susundan ng engkuwentro ng Arellano University at Mapua University sa alas-4.
Nasa ikalimang puwesto ang Blazers na may 8-8 marka sa likod ng mga semifinalists na San Beda University (15-1), Lyceum of the Philippines (15-2), Colegio de San Juan de Letran (13-4) at University of Perpetual Help System Dalta (11-6).
Ngunit may tsansang makapasok sa Final Four ang Benilde sakaling ma-forfeit ang lahat ng laro ng Perpetual Help dahil kasalukuyang nag-iimbestiga ang NCAA Management Committee sa eligibility issue ng apat na manlalaro ng Altas.
Nais ng Blazers na makabangon mula sa three-game losing skid kabilang ang 64-77 kabiguan sa Pirates noong nakaraang linggo.
Ibabandera ng St. Benilde si Clement Leutcheu na nagsumite ng double-double output na 11 points at 11 rebounds kontra sa Lyceum, habang inaasahang puputok din si Justin Gutang na naglista naman ng 13 markers at pitong boards sa naturang laro.
Sa kabilang banda, pakay din ng Jose Rizal na magkaroon ng magarbong exit ang kanilang tropa.
Nasa ilalim ng standings ang Heavy Bombers tangan ang 3-14 marka.
Nakuha ng Jose Rizal ang ikatlong panalo nito matapos pasukuin ang Emilio Aguinaldo College sa bendisyon ng 81-78 desisyon.
- Latest