Howard out sa season opener ng Wizards
WASHINGTON — Posibleng hindi makita sa aksyon si Wizards center Dwight Howard sa pagsisimula ng regular season dahil sa pananakit ng kanyang likuran.
Umalis ang 32-anyos na journeyman sa New York patungong Washington at tumanggap ng pain-fighting injection, ayon kay Wizards coach Scott Brooks.
“Hopefully early next week, he'll be back on the court and be ready to play,” wika ni Brooks sa Washington Post. “I don't know what that means for the first game, but we're just gonna take it day by day.”
Bubuksan ng Wizards ang regular season sa Oktubre 18 sa kanilang home game laban sa Miami Heat.
Hindi naglaro si Howard sa anumang preseason games dahil sa kanyang back problems na muling sumakit noong Sabado sa kanyang workout kasama ang mga coaches.
Ayon kay Brooks, kung hindi nakita si Howard sa anumang preseason ay posibleng maupo siya sa regular-season opener.
Ang Washington ang magiging ikaapat na koponan ni Howard sa huling apat na seasons at ikaanim sa kanyang NBA career.
Sa nakaraang season ay nagtala si Howard ng mga averages na 16.6 points, 12.5 rebounds at 1.6 blocked shots per game para sa Charlotte Hornets.
Hinirang na first overall pick noong 2004 draft ng Orlando Magic, naglaro si Howard ng walong seasons sa Orlando bago lumipat sa Los Angeles Lakers, Houston Rockets, Atlanta Hawks at Hornets.
Si Howard ay may mga career averages na 17.4 points, 12.7 rebounds at 2.0 blocks sa 1,035 games.
- Latest