BanKo Perlas Spikers inilaglag ang Lady Eagles
MANILA, Philippines — Mabilis na nasawata ng BanKo Perlas ang Ateneo de Manila University, 27-25, 25-19, 25-11, para manatili sa tuktok ng standings sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumandal ang Perlas Spikers sa karanasan para pigilan ang anumang pagtatangka ng Lady Eagles at masungkit ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa torneo.
Umariba nang husto si outside hitter Nicole Tiamzon tangan ang 17 puntos buhat sa 12 attacks, apat na blocks at isang ace para manduhan ang atake ng Perlas Spikers.
“Knowing Ateneo, hindi naman agad magpapatalo iyan. Walang team na gustong matalo so kailangan talaga namin silang dikitan at mas higit ‘yung mga ginagawa namin,” wika ni Tiamzon.
Naputol ang two-game winning streak ng Lady Eagles para mahulog sa 2-1 baraha.
Matapos ang gitgitang first at second sets ay umalagwa ang Perlas Spikers nang ilatag ang 13-2 kalamangan sa third frame sa likod ng matikas na opensa nina Tiamzon at Dzi Gervacio.
- Latest