Betting line sa Pac-Floyd 2 bukas na
MANILA, Philippines — Maagang nagbukas ang betting line para sa pinaplantsang rematch nina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at American world five-division titlist Floyd Mayweather Jr.
Sa Bovada sportsbook, si Pacquiao ay tatayong +180 underdog na nangangahulugan ng maibubulsang $180 sa itatayang $100 habang tataya kay Mayweather (-230) ng $230 ay mananalo lamang ng $100.
Sinabi ni Bovada sportsbook manager Kevin Bradley na mas paborito ng mga oddsmakers na manalo si Pacquiao kontra kay Mayweather.
“We had discussed making him a bigger favorite, but Pacquiao has a significant bettor following and other players would not bet on Mayweather because they just do not like him,” wika ni Bradley sa panayam ng Forbes.
Nagkita ang 39-anyos na si Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) at ang 41-anyos na si Mayweather (50-0-0, 27 KOs) sa isang music festival sa Tokyo, Japan kung saan nila pinag-usapan ang isang rematch sa Disyembre. Parehong naniniwala ang 39-anyos na si Pacquiao at ang 41-anyos na si Mayweather na matutuloy ang kanilang ikalawang pagtutuos matapos noong Mayo ng 2015.
Ang nasabing super fight nina Pacquiao at Mayweather ay humakot ng 4.6 milyon sa Pay-Per-View at $72.2 milyon sa takilya.
Kung hindi sa Disyembre ay inaasahang maitatakda ang Pacquiao-Mayweather II sa ikalawang linggo ng Enero ng 2019.
Umiskor si Pacquiao ng 7th round TKO victory kay Lucas Matthysse para agawin ang hawak nitong WBA welterweight belt noong Hulyo.
- Latest