Mojdeh, 4 pang tankers lumangoy ng tig-3 ginto
BAGUIO CITY, Philippines — Kagaya ng inaasahan, hindi nagpahuli si 2018 Palarong Pambansa Most Bemedalled Athlete Micaela Jasmine Mojdeh ng Parañaque City matapos lumangoy ng dalawang gintong medalya sa swimming competition ng 2018 Batang Pinoy National Finals kahapon dito.
Nagdomina ang 12-anyos na si Mojdeh sa girls’ 12-under 50-meter butterfly (30.57) at 400m Individual Medley (5:37.70) para idagdag sa nauna niyang panalo sa 100m butterfly (1:05.92) kamakalawa sa una niyang pagsabak sa Batang Pinoy National Finals.
“May epekto din po ‘yung lamig ng tubig dito. Para pong nag-swimming ka talaga sa yelo,” sabi ng Grade 7 student ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque na nagbulsa ng anim na gold medals (50m at 100m butterfly, 50m at 100m breaststroke, 100m freestyle at 200m Individual Medley) sa nakaraang Singapore Island Country Club Invitational Championship. “Sa Singapore po kasi sa indoor kami nag-swim kaya controlled po ‘yung temperature.”
Pupuntiryahin ngayon ni Mojdeh, kinuha ang silver sa 200m breaststroke event, ang kanyang ikaapat na ginto sa 200m butterfly para sa kanyang pang-lima at huling event.
“Hopefully po makuha ko ‘yung fourth gold ko. I’ll do my best po,” ani Mojdeh, nagtala ng perpektong 6-of-6 gold medals noong 2018 Palarong Pambansa sa Vigan, Ilocos Sur, nakatakdang sumabak sa Buccaneers Invitationals sa Oktubre 13-14 sa Tokyo, Japan.
Nilangoy din nina Zoe Marie Hilario ng Quezon City, Althea Michel Baluyot ng Quezon City, Roz Ciaralene Encarnacion ng Laguna Province at Roshanne Ysabel Biglete ng Las Piñas ang kani-kanilang pangatlong ginto.
Nagdomina si Hilario sa girls’ 13-15 400m IM (5:44.26) at 200m backstroke (2:31.67) matapos mamahala sa 200m IM (2:38.57) sa Day One at nanguna si Baluyot sa girls’ 13-15 50m freestyle (28.70) para ihanay sa nauna niyang panalo sa 100m freestyle (1:01.16) at 100m butterfly (1:06.98).
Idinagdag naman ng 13-anyos na si Encarnacion ang ginto sa girls’ 12-under 200m breaststroke (2:55.02) sa tagumpay niya sa 200m IM (2:40.97) at 50m breaststroke (37.33) at bumandera si Biglete sa girls’ 12-under backstroke (2:34.33) at 50m freestyle (29.85) matapos magdomina sa 100m freestyle (1:04.81).
Sa UB Gym, nagparamdam ng kanilang lakas ang host province na Baguio City matapos kumana ng tatlong gold sa taekwondo kyorugi event mula kina Rain Ramon (cadet female lightweight), Lei Ramon (cadet female featherweight) at Gabriel Ivan Inacay, Zeik Jhay Ceniza at Andrei Tacay (poomsae cadet team).
- Latest