Nietes-Palicte fight nauwi sa split draw
MANILA, Philippines — Kapwa naging maingat sa kabuuan ng laban sina world three-division champion Donnie 'Ahas' Nietes at 'Mighty' Aston Palicte.
At ang resulta nito ay isang split draw sa pagitan nina Nietes at Palicte sa 'SuperFly 3' kahapon sa The Forum sa Inglewood, California.
Tumanggap si Nietes ng 118-110 iskor mula kay judge Daniel Sandoval, habang si Palicte ay nakakuha ng 116-112 buhat kay Robert Hoyle at 114-114 ang iniskor ni Max de Luca para sa split draw.
Nanatiling bakante ang WBO super flyweight title.
Mula sa opening round hanggang sa round 11 ay kapwa naghihintay ng pagbukas ng depensa ang 36-anyos na si Nietes ng Murcia, Negros Occidental at ang 27-anyos na si Palicte ng Bago City, Negros Occidental.
Uminit lamang ang aksyon nang maging agresibo si Nietes (41-1-5, 23 KOs) laban kay Palicte (24-2-1, 20 KOs) sa round 12.
“Of course I won the fight,” sabi ni Nietes, hindi pa natatalo simula noong 2004 at hangad ang kanyang ikaapat na world boxing crown sa apat na magkakaibang weight divisions. “Tonight was my first time fighting at this weight. I dealt with his reach.”
Nagkampeon si Nietes sa WBO minimumweight division noong 2007 at isinunod ang WBO light flyweight crown noong 2011 at ang International Boxing Federation flyweight belt noong Abril ng 2017.
Sa Compubox ay nakakonekta si Nietes ng 194 sa kabuuan niyang 523 punches (37 percent) kumpara sa 124-of-830 total punches (15 percent) ni Palicte.
Ilang beses nakakonekta si Nietes sa ulo ni Palicte sa round 12.
Ngunit nabigo si Nietes na mapabagsak ang kanyang kababayan.
“I was the best fighter in the first half of the fight. I threw punches. I landed punches. Towards the end of the fight, he was coming on,” ani Palicte.
Kagaya ni Nietes, handa rin si Palicte para sa isang rematch.
“I'm ready to do it again,” ani Palicte, nasa boxing promotion ni Roy Jones, Jr.
- Latest