Pinay belles, Thailand magkakasubukan
JAKARTA — Sasagupain ngayon ng Philippine Women’s volleyball team ang bigating Thailand sa kanilang unang asignatura sa Pool A sa pagbubukas ng volleyball competition ngayon ng 18th Asian Games dito.
Alas-12:30 ng tanghali (1:30 Manila time) sa Gelora Bung Karno (GBK) Tennis Indoor courts, ang unang laban sa Pool A ng mga Pinay volleybelles na hindi na sumama sa parade of teams kagabi para mag-practice na lamang at mapaghandaan ang No. 3 seed na Thailand na siyang perennial champion team sa SEA Games at bronze medalist noong 2014 Incheon Asian Games.
Ang Thailand ay may 13 titles na sa huling 15 edisyon ng Southeast Asian Games at bronze medalist noong 2014 Incheon Asian Games.
“Napakalaking tulong ang naibigay sa amin (training sa Japan) Parang kulang pa nga, dami pang kailangan matutuhan,” pahayag ni National coach Shack Delos Santos. “To be honest, we’re not yet there. We need to do it continuously. We need tournaments to gauge ourselves.”
Pangungunahan nina Alyssa Valdez, Aby Maraño, Mika Reyes, Jaja Santiago at Dindin Manabat ang koponan kasama sina Mary Joy Baron, Cha Cruz, Kim Dy, Kim Fajardo, Dawn Macandili, Frances Molina, Aby Morado, Daphne Santiago, Maika Ortiz at Den Lazaro.
Kailangang lamang ng Phl lady spikers ng isang panalo upang makapasok sa quarterfinals at umaasa silang magagawa nila ito kontra sa Hong Kong at sa host Indonesia.
Sapul noong 1982 ngayon pa lamang uli nagkaroon ng lahok ang Pinas sa women’s volleyball. Huling nagkampeon ang Pinas sa Southeast Asian Games noong 1993.
- Latest