Altas nakisalo sa No. 3
Laro Bukas (The Arena)
10am MU vs UPHSD (Jrs)
12nn SSCR vs SBU (Jrs)
2pm MU vs UPHSD (Srs)
4pm SSCR vs SBU (Srs)
MANILA, Philippines — Napigilan ng University of Perpetual Help System Dalta ang Jose Rizal University, 78-72 upang sumalo sa No. 3 spot sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling nag-init si Edgar Charcos nang magpasabog ito ng 25 puntos, siyam na rebounds, limang assists at dalawang steals para manduhan ang Altas sa pagkopo ng 4-2 baraha at saluhan ang Colegio de San Juan de Letran na may katulad na marka.
Nakakuha ng solidong suporta si Charcos mula kina Jelo Razon at Jeffrey Coronel na may 18 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod.
Patuloy na inaalat ang Heavy Bombers na nananatiling walang panalo sa pitong pagsalang.
Nasayang na naman ang pinaghirapang 21 puntos ni Jed Mendoza gayundin ang pinagsamang 19 points nina Karl Bordon at Jun Silvarez.
Sa unang laro, pinasuko ng College of Saint Benilde ang Emilio Aguinaldo College, 84-71 para umabante sa 3-4 marka.
“Sa wakas, nabuhay. Coming off this win, I hope we get some momentum going for our confidence level. It’s going to be very important when we face Arellano and Perpetual to close out the first round. We really need to get those wins to at least be in the middle of the pack,” ani Blazers head coach Ty Tang.
Kumana si JJ Domingo ng 22 puntos, pitong rebounds, apat na assists at isang steal habang nagtulong sina Yankie Haruna at Clement Leutcheu sa pagkopo ng 20 markers at limang boards para sa Blazers.
Balik sa lupa ang Generals na lumasap ng 2-5 kartada.
Nagkasagutan sina Leutcheu at EAC ace Juju Bautista nang aksidenteng maapakan ng una si Hamadou Laminou sa fourth quarter.
Na-eject sa laro si Leutcheu dahil sa nangyari kalakip pa ang dalawang technical fouls na nakuha nito.
Dahil sa ejection, hindi makalalaro si Leutcheu sa susunod na laban ng Benilde.
- Latest