San Miguel umangat sa 2-1
MANILA, Philippines — Inihanda ni coach Tim Cone ang Barangay Ginebra sa isang pisikal na laro.
Ngunit mas itinaas ng nagdedepensang San Miguel ang kanilang intensidad.
Umiskor ang Beermen ng 40 points sa third period para tuluyan nang sagasaan ang Gin Kings, 132-94 sa Game Three ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpasabog si Chris Ross ng 23 points, tampok ang pitong three-point shots, para ibigay sa San Miguel ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Ginebra.
“We got two more to go and we’ll try to get one on Friday,” sabi ni Ross, naputukan sa noo mula sa siko ni import Renaldo Balkman sa third period.
Kinuha ng Ginebra ang Game One, 127-99 tampok ang 42 points ni import Justin Brownlee, samantalang bumawi ang San Miguel sa Game Two, 134-109 mula sa 33 markers ni Alex Cabagnot.
Isinara ng Beermen ang first period hawak ang 30-27 tampok ang 14 points ni Ross mula sa apat na three-point shots habang nagpasabog si Mark Caguioa ng 10 markers sa second quarter para ilapit ang Gin Kings sa halftime, 51-53.
Sa likod ng tatlong triples ni Ross sa third period ay itinayo ng San Miguel ang 14-point lead, 78-64 sa 5:07 minuto nito patungo sa pagpoposte ng 99-72 kalamangan sa pagsisimula ng final canto.
Hindi na ito napababa ng Ginebra sa kabila ng pagsusumikap ni Brownlee.
- Latest