Ginebra sa semis
MANILA, Philippines — Ipinakita ng No. 5 Barangay Ginebra ang kanilang dominasyon laban sa karibal na No. 4 Meralco.
Muling pinatumba ng Gin Kings ang Bolts sa bisa ng 104-90 panalo sa Game Two para tuluyan nang walisin ang kanilang quarterfinals series sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sinibak ng Ginebra, kinuha ang 88-81 panalo sa Game One, ang Meralco sa kanilang best-of-three quarterfinals showdown sa 2-0 para umabante sa best-of-five semifinals series.
Ang mananalo sa quarterfinals match ng No. 1 Rain or Shine Elasto Painters at No. 8 Globalport Batang Pier ang sasagupain ng Gin Kings sa semifinals.
Humataw si resident import Justin Brownlee ng conference-high na 36 points, 9 assists at 6 rebounds para banderahan ang Ginebra, nasa kanilang ikaanim na sunod na semifinals appearance..
“We’re just try to keep our rhythm, make sure we stay aggressive,” sabi ni Brownlee, ibinangon ang Gin Kings mula sa 12-24 agwat sa first period para agawin ang 56-51 bentahe sa halftime patungo sa pagbaon sa Bolts sa 85-67 sa 10:04 minuto ng fourth quarter.
Ang two-handed slam dunk ni Greg Slaughter mula sa assist ni Brownlee ang nagbigay sa Ginebra ng 100-86 kalamangan sa Meralco sa huling 1:40 minuto ng final canto.
Samantala, pag-aagawan naman ng Rain or Shine, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage at Globalport ang silya sa semifinals sa kanilang ‘rubber match’ ngayong alas-7 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
- Latest