Tatapusin na ng Creamline
MANILA, Philippines — Pakay ng Creamline na tapusin na ang serye sa pakikipagtipan nito sa PayMaya sa Game 2 ng Premier Volleyball League Reinforced Conference best-of-three championship series ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang pukpukan ng Cool Smashers at High Flyers sa alas-3:45 matapos ang bakbakan ng Pocari Sweat-Air Force at BanKo Perlas sa ala-1:45 sa battle-for-third.
Desidido ang Creamline na gawin ang lahat upang tuldukan ang kanilang pagkauhaw sa titulo.
Galing ang Cool Smashers sa 25-21, 22-25, 25-20, 25-19 panalo laban sa High Flyers sa series opener noong Linggo.
Tiyak na ilalabas ni team captain Alyssa Valdez ang lahat ng alas nito para dalhin ang kanilang tropa sa kauna-unahang kampeonato matapos magkasya sa third place trophy sa kanilang unang dalawang kumperensiya sa liga.
“We all wanted to win, hindi lang naman ako. More than ever, it’s everyone who wanted this win, who wanted to win the championship that’s why maganda ang teamwork namin,” wika ni Valdez.
Sa men’s division, puntirya rin ng Philippine Air Force na tapusin na ang serye sa pakikipagtipan sa Cignal sa kanilang sariling best-of-three championship series.
- Latest