Fernandez tiwalang mananalo si Pacquiao kay Matthysse
MANILA, Philippines — Tiwala si Buboy Fernandez na maiuuwi ni Manny Pacquiao ang korona sa oras na makaharap nito si reigning WBA welterweight champion Lucas Matthysse sa Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagsasanib-puwersa na ang buong Team Pacquiao upang masiguro ang lubos na kahandaan ng Pinoy legend bago sumabak sa laban.
Bawat isa may ambag - mula kay Australian conditioning expert Justin Fortune hanggang kina Fernandez, Nonoy Neri, Haplas Fernandez, Dodong Donaire Sr., Ting Ariosa, Dodie Boy Peñalosa at Jonathan Peñalosa.
“Siguradong may magandang resulta ang lahat ng pagsisikap namin sa training. Pinipilit naming gawin ang lahat para pagbalik namin sa Pilipinas, dala-dala namin ‘yung WBA belt,” ani Fernandez.
Nauna nang inihayag ni Fernandez na nasa 85 porsiyento na itong handa.
Ngunit may ilang bagay pa aniya na dapat tutukan partikular na ang pag-atakeng gagawin nito.
“Sa laban na natin makikita kung ano yung mga inihanda namin,” sambit pa ni Fernandez.
Kabilang sa mga tinututukan ang mas mabibigat na sparring sessions kasama sina Australian George Kambosos Jr., at Filipino boxers Arnel Tinampay at Jericho Chavez.
Mula sa 10 rounds, sasailalim si Pacquiao sa 12-round sparring sa Sabado.
- Latest