Rockets sinibak ang Timberwolves
Cavs inihatid ni James sa 3-2 lead
HOUSTON — Isa na namang matinding kamada mula kay James Harden.
Humataw si Harden ng 15 points sa third quarter para akayin ang Rockets sa 122-104 pagpapatalsik sa Minnesota Timberwolves sa Game 5 ng kanilang first-round playoffs series.
Tumapos si Harden na may 24 points habang kumolekta si center Clint Capela ng 26 points at 15 rebounds para ihatid ang Houston sa second round.
Lalabanan ng Rockets ang mananalo sa pagitan ng Utah Jazz at Oklahoma City Thunder.
Binanderahan ni Karl-Anthony Towns ang Timberwolves mula sa kanyang 23 points at 14 rebounds at nagdagdag si Jamal Crawford ng 20 points mula sa bench.
Sa Oklahoma City, humugot si Russell Westbrook ng 33 sa kanyang 45 points sa second half para pamunuan ang Thunder sa pagbangon mula sa 25-point deficit at balikan ang Jazz, 107-99 sa Game 5.
Inilapit ni Westbrook ang Oklahoma City sa 2-3 sa kanilang serye ng Utah.
Kumolekta rin si Westbrook ng 15 rebounds at assists habang umiskor si Paul George ng 34 points para sa Thunder, pinuwersa ang Jazz sa Game 6 sa Salt Lake City sa Sabado (Manila time).
Sa Cleveland, nagsalpak si LeBron James ng isang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer para ibigay sa Cavaliers ang 98-95 panalo kontra sa Indiana Pacers sa Game 5.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Cleveland para umabante sa second round ng Eastern Conference playoffs.
Tumapos si James na may 44 points, 10 rebounds, 8 assists at tumipa ng 15 of 15 sa free throw line.
Matapos supalpalin ang go-ahead layup ni Victor Oladipo na sinabi ng Pacers na goaltending ay kinuha ni James ang inbounds pass, nag-dribble ng dalawang beses at isinalpak ang kanyang winning triple laban kay Thaddeus Young.
Tumapos si James na may 44 points, 10 rebounds, 8 assists at tumipa ng 15 of 15 sa free throw line.
- Latest