Beermen hindi pa makikita sa PBA Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines — Inaasahang sa ikalawang linggo pa ng Mayo muling makikita sa court ang San Miguel para sa kanilang pagdedepensa sa korona ng 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Ito ay matapos ang 4-1 panalo ng Beermen laban sa Magnolia Hotshots sa kanilang best-of-seven championship series sa 2018 PBA Philippine Cup.
Parehong wala ang San Miguel at Magnolia sa inisyal na inilabas na iskedyul ng PBA Commisssioner’s Office para sa reinforced conference.
Ipaparada ng Beermen para sa kanilang pagtatanggol sa titulo ang baguhang si Troy Gillinwater dahil naglalaro pa si 2017 PBA Best Import Charles Rhodes sa Korean Basketball League.
Sa opening game ay magtutuos ang TNT Katropa at Globalport sa alas-6:45 ng gabi matapos ang sultada ng Blackwater at Columbian Dyip, dating Kia, sa alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bukod kay Gillinwater, ang iba pang bagong imports ay sina Jeremy Tyler (TNT Katropa), Antonio Campbell (Alaska), Arnett Moultrie (NLEX), Reggie Johnson (Rain or Shine) at CJ Aiken (Columbian Dyip).
Magbabalik naman sina Vernon Macklin (Magnolia), Arinze Onuaku (Meralco), Malcolm White (Globalport), Shane Edwards (Ginebra), Jarrid Famous (Blackwater) at James White (Phoenix).
- Latest