Mojdeh 2 record ang binasag sa japan age-group meet
PSL tankers humakot ng 11 gold medals
TOKYO — Umarangkada na ang Philippine Swimming League (PSL) nang sumisid ng 11 ginto, 10 pilak at tatlong tansong medalya tampok ang bagong record-breaking performance ni Micaela Jasmine Mojdeh sa ikalawang araw ng 2018 Japan Age-Group Swimming Championship sa St. Mary’s International School swimming pool dito.
Inilabas ng Immaculate Heart of mary College-Parañaque standout ang kanyang matikas na porma sa girls’ 11-12 100m butterfly nang magtala ng isang minuto at 6.86 segundo upang wasakin ang 1:07.85 rekord ni Japanese Hannah Kwamura sa open division noong 2013.
Binura rin ni Mojdeh ang area record ni Sim Minegishi ng Japan na 1:09.15 may 28 taon na ang nakalilipas.
Humataw pa ng dalawang ginto si Mojdeh sa 100m breaststroke (1:08.96) at 200m Individual Medley (2:33.02) para magarbong simulan ang kanyang kampanya.
“It was a stunning performance from the amazing Jasmine Mojdeh, breaking the open and area records registered more than 20 years ago. We’re so elated with our swimmers’ showing here and we’re expecting more in the coming event,” sabi ni PSL President Susan Papa.
Nagpasiklab din si Richelle Anne Callera nang mamayagpag sa girls’ 8-under -25m butterfly sa bilis na 17.52 segundo para pantayan ang rekord na 17.52 sa open division na pag-aari ni Ai Uchiyama noong 2008.
Nakasiguro rin ng ginto si Callera sa 100m IM (1:33.06) para maidagdag sa kanyang naunang ginto sa 25m freestyle event sa opening day.
Humakot naman ng tatlong gintong medalya si Coby Marcus Rivera sa boys’ 9-10 200m IM (2:48.24), 100m butterfly (1:16.59) at 50m backstroke (36.26), habang nagdagdag pa ng dalawang ginto si opening-day gold medalist Aishel Cid Evangelista sa boys’ 8-under 100m IM (1:25.28) at 25m butterfly (17.69), gayundin si Kiara Acierto sa girls’ 8-under 25m backstroke (22.20).
Nakahirit din ng pilak na medalya sina Wisenheimer Academy tanker Marc Bryan Dula sa boys’ 11-12 100m butterfly (1:11.68) at 50m backstroke (34.42); Julia Ysabelle Basa sa girls’ 9-10 200m IM (3:04.91); Albren Jan Dayapdapan sa boys’ 13-14 200m breaststroke (2:33.79) at 100m backstroke (1:10.53); Triza Tabamo sa girls’ 9-10 50m freestyle (31.21) at 50m backstroke (36.53); Acierto sa 25m butterfly (19.62); at ang girls’ 200m crescendo medley relay (2:25.41) at boys’ 200m crescendo medley relay (2:07.09).
“We won’t be tired of expressing our gratitude to the Filipino community here in Japan especially Myles Briones Beltran, Hiroshi Katsumata, Arnel Punzalan, Lovely Ishii and Sachiko Inose for helping us. They’re are such a big help to us and we’re so thankful to them,” wika pa ni Papa sa mga taong tumutulong sa kanila.
Sa kabuuan ay mayroon nang 13 gold, 11 silver at 4 bronze medals ang PSL squad sa torneong nilahukan ng Japan, China at iba’t ibang koponan mula sa Europa.
- Latest