Ginebra hinugot si Prince Caperal
MANILA, Philippines — Gustong maniguro ng Barangay Ginebra na may masasandalan silang big man habang hindi pa handang sumabak sa aksyon si seven-foot center Greg Slaughter sa 2018 PBA Philippine Cup.
Kinuha ng Gin Kings si unrestricted free agent Prince Caperal bilang pandagdag sa kanilang puwersa sa shaded lane.
Hindi pa naglalaro si Slaughter sa huling tatlong asignatura ng Ginebra dahil sa strained hamstring injury.
Nauna nang nanggaling ang 29-anyos na si Slaughter sa ACL injury sa nakaraang season at nakabalik sa 2017 Governor’s Cup kung saan muling binigo ng Ginebra ang Meralco sa kanilang best-of-seven titular showdown.
Bukod kay Slaughter, hindi rin naglalaro dahil sa kanyang foot injury si Joe Devance.
Ang 6'7 namang si Caperal, dating star center ng Arellano Chiefs sa NCAA, ay inilaglag ng Kia matapos ilagay sa active list si Russell Escoto.
Si Caperal ang 17th overall pick ng Globalport noong 2014 PBA Draft .
Matapos ang isang taon ay dinala ng Batang Pier si Caperal sa kampo ng Gin Kings kapalit ni veteran big man Dorian Peña, ngunit kaagad ibinigay sa Barako Bull (ngayon ay Phoenix) kasama si Mac Baracael.
- Latest