Linares babagsak sa liksi ni Gesta
MANILA, Philippines — Halos araw-araw ay pinag-aaralan nina Filipino lightweight contender Mercito “No Mercy” Gesta at chief trainer Freddie Roach ang mga diskarte ni Venezuelan world lightweight king Jorge “El Niño De Oro” Linares.
Sa panayam ng Fightnews.com. ay sinabi ni Gesta na ang bilis ang siya niyang magiging sandata para agawan si Linares ng suot nitong World Boxing Association lightweight crown.
“We have been studying him and his key will be the speed for me. We plan to pressure and be smart,” sabi ng 30-anyos na si Gesta sa 32-anyos na si Linares.
Determinado si Gesta (31-1-2, 17 KOs) na agawin kay Linares (43-3-0, 27 KOs) ang hawak nitong WBA lightweight belt sa Linggo sa The Forum sa Inglewood, California.
Kung papalarin ay si Gesta ang magiging pangatlong Pinoy na world boxing champion matapos sina International Boxing Federation flyweight king Donnie ‘Ahas’ Nietes at super flyweight title-holder Jerwin Ancajas.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na pipilitin ni Gesta na makakuha ng world boxing title.
Sa undercard ng ikaapat na laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez noong Disyembre ng 2012 ay natalo si Gesta kay Mexican Miguel Vasquez via unanimous decision at nabigong maiuwi ang International Boxing Federation lightweight belt.
Sinabi ng tubong Labogon, Mandaue, Cebu at nakabase ngayon sa San Diego, California, na marami siyang natutunan sa kanyang unang title shot.
“I learned a lot from that fight. The defeat really helped me in a way. I have grown a lot from that fight,” wika ni Gesta.
Dati nang naging sparmates sina Gesta at Linares sa ilalim ni Roach.
“I’m fighting Jorge Linares, I’m excited to be fighting for a title. Linares is good, I really like this challenge and I can’t wait,” wika ni Gesta sa Venezuelan world champion.
Maigting na ang ginagawang pag-eensayo ni Gesta sa Wild Card Gym ni Roach sa Hollywood, California kasama sina Filipino assistant trainer Marvin Somodio at conditioning coach Justin Fortune.
Matagumpay na naidepensa ni Linares, isang three-division world titlist, ang kanyang WBA title noong Setyembre matapos talunin si Luke Campbell sa The Forum.
Umiskor din si Linares ng KO victory laban kay Martin Honorio sa nasabi ring buwan sa parehong venue.
- Latest