Pacquiao lalaban sa Africa sa November?
MANILA, Philippines - Isang dating South African welterweight king ang naisama sa listahan ng mga posibleng labanan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ngayong taon.
Nagsumite ang kampo ni Chris Van Heerden ng panukala para sa paghahamon ng dating International Boxing Organizaiton welterweight titlist kay Pacquiao sa Nobyembre.
Plano ng kampo ni Van Heerden na gawin ang kanyang paghahamon kay Pacquiao, may hawak ng World Boxing Organization welterweight crown, sa FNB Stadium sa South African.
Ang tanong na lamang ay kung kaya ng South African government na pasanin ang premyo ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs).
Sinasabing kinakausap ng grupo ni Van Heerden (25-2-1, 12 KOs) si South African Sports Minister Fikile Mbalula para sa kakailanganing pondo sa pagharap niya kay Pacquiao.
Kung mangyayari ang bakbakan ng 38-anyos na si Pacquiao at ng 29-anyos na si Van Heerden, ito na ang magiging pinakamalaking boxing event sa South Africa matapos ang pagbagsak ni British giant Lennox Lewis kay American challenger Hasim Rahman sa Carnival City noong Abril ng 2001.
“Any announcements of a proposed fight would be made by Top Rank at the appropriate time,” sabi ni Peter Kahn, ang manager ni Van Heerden.
Dating pinagharian ng 5-foot-9 na si Van Heerden ang IBO welterweight division at naging WBA Pan African champion.
Dating sinanay ni Hall of Fame trainer Freddie Roach si Van Heerden at nakasabayan ni UFC superstar Conor McGregor sa isang sparring noong Enero.
- Latest