Belo nagpasikat sa 2 panalo ng Elite
MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay nagpaparamdam na si rookie forward Mac Belo kung ano ang kaya niyang gawin sa pro league.
Sa kanyang unang laro sa 94-87 panalo ng Blackwater laban sa Phoenix noong nakaraang Miyerkules ay kumolekta ang 6-foot-4 na si Belo ng 17 points, 9 rebounds at 2 assists.
Sa 86-84 paglusot naman ng Elite laban sa Meralco Bolts noong Linggo ay kumolekta ang tubong Midsayap, Cotabato ng 25 points, 6 boards, 3 steals at 2 blocks.
Ang nasabing kabayanihan ng 23-anyos na si Belo ang nagbigay sa Blackwater ng franchise-best na 2-0 panimula sa 2016-2017 PBA Philippine Cup.
Dahil dito ay kinilala ang dating King Tamaraw ng Far Eastern University bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Nagposte si Belo ng mga averages na 21 points, 7.5 rebounds at 1.5 steals sa magkasunod na paggapi ng Elite laban sa Fuel Masters at Bolts, ang 2016 Governors’ Cup runner-up.
“Kailangan lang patuloy 'yung pag-improve namin,” sabi ng 23-anyos na si Belo.
Tinalo ni Belo para sa weekly award sina three-time PBA MVP June Mar Fajardo at Alex Cabagnot ng San Miguel Beer, high-scoring guard Terrence Romeo ng Globalport, TNT Katropa forward Ranidel de Ocampo, sophomore big man Bradwyn Guinto at Sean Anthony ng NLEX.
- Latest