Nangakong babawi sa susunod na laro, Cone aminadong ‘di pa gamay ng bataan ang ‘Triangle Offense’
MANILA, Philippines – Dalawang buwan pa lamang sinasanay ni Tim Cone ang Barangay Ginebra, habang halos apat na taon nang naglalaro sa iisang sistema ang kanyang dating koponang Star.
Sa kanyang Twitter account kahapon ay inamin ng two-time PBA Grand Slam champion coach na kasalukuyan pa lamang tinatanggap ng Gin Kings ang kanyang ‘Triangle Offense’ na nabigong mapatakbo ni Jeffrey Cariaso.
“What we’ve been doing for two months, they’ve been doing for four years,” sabi ni Cone sa Hotshots ni rookie mentor Jason Webb. “They knew us, the things that would disrupt us, and the things that would give us problems in terms of our execution.”
Tinalo ng Star ang Ginebra, 86-78, noong nakaarang Linggo sa 2015 PBA Philippine Cup.
Tinambakan ng Hotshots ang Gin Kings ng 31 points, 44-13, sa first period bago nakabangon ang crowd favorites sa paglapit sa 10 puntos sa huling minuto ng fourth quarter.
Unang laro pa lamang ito ng Ginebra sa ilalim ni Cone, nagbigay ng PBA Grand Slam championship sa Alaska at San Mig (ngayon ay Star).
“We will get better. We will be there at the end. We will make you proud,” wika ni Cone sa kanyang pangako sa kanilang mga fans.
Ayon sa American coach, hindi ito dapat ikainis ng mga fans ng Gin Kings.
“I’m sure the fans don’t want to hear about this and maybe I shouldn’t say this, but in the big scheme of things, who cares? It’s just one game,” ani Cone na muling magpaparada kina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Mark Caguioa, LA Tenorio, Sol Mercado, Jayjay Helterbrand at rookie Scottie Thompson.
Sa kanilang pagyukod sa Star ay humakot sina Slaughter at Aguilar ng pinagsamang 54 points at humablot ng tig-16 rebounds.
- Latest