Cariaso sisibakin sa Ginebra
MANILA, Philippines - Dahil sa kabiguang maipasok ang Barangay Ginebra sa semifinal round ay namemeligrong sibakin sa kanyang trabaho si rookie coach Jeffrey Cariaso.
Sinabi ng isang source na muling ibabalik ng Ginebra management si dating mentor Ato Agustin sa bench ng Gin Kings sa darating na 2014-2015 PBA Commissioner’s Cup.
Sisimulan ng Ginebra ang kanilang paghahanda para sa second conference sa Enero 5 kung saan si Agustin ang inaasahang gagabay sa ensayo.
Kung sakali ay ito ang magiging pangalawang pagkakataon na hahawakan ni Agustin ang Gin Kings matapos palitan si Alfrancis Chua sa pagsisimula ng 2013 PBA Governors Cup.
Sa nakaraang dalawang komperensya ay pinilit gamitin ni Cariaso sa Ginebra ang natutuhan niya kay Purefoods coach Tim Cone na ‘triangle offense’.
Ngunit hindi pa rin ito nakuha ng Gin Kings matapos ang PBA Governors’ at Philippine Cup sa ilalim ni Cariaso.
- Latest