Hamon kay Meneses
Hindi naging maganda ang coaching debut ni Vergel Meneses sa simula ng 86th National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament noong Sabado sa Araneta Coliseum.
Paano ba nama’y napasabak kaagad ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa multi-titled San Beda College Red Lions na hawak ni coach Frankie Lim.
E, hindi nga ba’t ang Red Lions ay nakapagsubi ng tatlong sunud-sunod na titulo bago napigilan ng San Sebastian Stags noong nakaraang season. So, nagngingitngit talagang makabawi ang Red Lions at maganda ang naging recruitment program nila sa pre-season.
Hayun at tinambakan nila ang Heavy Bombers, 68-52.
Well, baptism of fire ito para kay Meneses na naglalayong muling mailuklok ang Heavy Bombers bilang kampeon sa NCAA.
Kasi nga’y 1972 pa huling namayagpag ang Heavy Bombers at ito’y noong panahon pa nina Philip Cezar at Edgardo Carvajal. Ang team na iyon ay iginiya ni Francisco Calilan na matagal nang namayapa.
Biruin mo ng 38 years ago na nang huling magkampeon ang Heavy Bombers. Aba’y kung magugunita’y sa taong iyon idineklara ang Martial Law. Nawala na sa poder si Pres. Ferdinand Marcos. Ang dami nang sumunod sa kanya--Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estada at Gloria Macapagal Arroyo. Fullcycle na nga dahil pangulo na ang anak ni Tita Cory na si Noynoy Aquino at Senador na ang anak ni Ferdinand Marcos na si Bongbong.
Kailangan siguro’y fullcycle na rin ang heavy Bombers at muli silang magpasabog sa NCAA.
Well, naniniwala naman si Meneses na kaya niyang igiya sa itaas ang Heavy Bombers. At tinutulungan naman siya ni Derick Pumaren na consultant ng team.
Baka naninibago lang ang JRU dahil sa marami din naman ang nawala sa kanilang line-up so kailangang punan ng iba ang mga butas na ito. Biruin mong hindi na lalaro ang 2009 Most Valuable Player na si John Marion Wilson kahit may dalawang seasons pa itong natitira sa NCAA elegibility. Nawala din ang lead point guard nilang si Mark Cagoco. At graduate na rin ang center-forward na si James Ryan Sena na kinuha ng San Miguel Beer sa nakaraang Draft subalit hindi napapirma ng kontrata.
Mahirap ding punan ang binakanteng puwesto ng mga ito. Mga starters kasi sila so yung mga reserba dati ay kailangang magpakitang gilas nang todo-todo.
Sa totoo lang, maraming NCAA observers ang nagsasabing tiyak na makakarating sa Final Four ang Heavy Bombers sa kalidad ng kanilang line-up. Pero hindi ubra kay Meneses ang panay salita, kailangan daw ipakita ng mga players niya na “they are up to the task.”
Alam naman natin ang kalidad ni Meneses, eh. Isa siyang tunay na fighter sa hardcourt.
Dati siyang Most Valuable Player sa PBA so titingalain siya ng kanyang mga manlalaro. At pipilitin ng mga Heavy Bombers na masundan ang yapak ng kanilang bagong coach.
At ang pinakamagandang paraan para magawa ito ay ang pilitin nilang magkampeon!
- Latest
- Trending
















